Karamihan sa atin kung tatanungin kung sino ang kaniyang unang guro, ang isasagot ay ang kaniyang mga magulang. O dili kaya ay ang unang gurong tumatak sa kaniyang isipan nang siya ay magsimulang tumuntong sa paaralan.
Mayroon din tayong tinatawag na paboritong guro o mga guro, na laksa ang naiambag sa ating kamuwangan at kaalaman, mga taong naging bahagi ng pag-unlad ng ating kaisipan at karanasan. Ang ating mga magulang, mga titser sa paaralan, mga nakatatandang tagapayo, mga karanasan, mga nakikita, mga naririnig at mga nababasa, ang mga ito ang masasabi nating nagkintal sa atin ng karunungan at talino.
Kung ako naman ang tatanungin, mayroon pa akong maituturing na aking mga kakaibang guro. Ito ay mga babasahin na gawa sa tiniklop na papel na kahalintulad ng ginagawang diyaryo kung saan makikita ang mga iginuhit na iba’t-ibang kuwento ng buhay, pakikipagsapalaran, kabayanihan, pag-ibig, katatawanan, katatakutan, at iba pang kathang-imahinasyon. Ang tawag sa mga ito ay komiks.
**PAGBABALIK-TANAW**
Ang komiks, sa pinakapayak na kahulugan, ay isang uri ng panglibangang babasahing kinagiliwan ng mga Pilipino ano man ang antas ng kaniyang buhay. Ang salitang “komiks” ay katumbas na pagliliwat ng salitang Ingles na comics o comic book, na unang nakita ng mga Pilipino na dala ng mga sundalong Amerikano noong panahon ng kanilang pananakop sa Pilipinas.
Maaaring bihira ang nakaaalam, subali’t batay sa kasaysayan, ang ating pambansang bayaning si Gat. Jose Rizal (1861-1896) ay itinuturing na “Unang komikistang Filipino” at “Ama ng Pagsasalarawang Komiks sa Pilipinas.”
Nang si Rizal ay nasa Paris, France, noong 1886, iginuhit niya ang kaniyang kathang pabula na Ang Pagong at ang Matsing sa kuwaderno ni Maria de la Paz Pardo de Tavera (1862-1892). Ito ang itinuturing na unang komiks na iginuhit ng isang Pilipino, bagama’t wala pang salitang “komiks” noong araw. Nang nasa Dapitan siya noong 1892, gumuhit din si Rizal ng ilang nakatatawang pagsasalarawan. Naalaala ko na naging bahagi ako sa pagsasaliksik tungkol sa bagay na ito ng Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan (2003) at dating Kalihim ng Edukasyon, Alejandro R. Roces (1924-2011), noong ako’y nag-aaral pa sa Pamantasan ng Santo Tomas. Isa si Ginoong Roces sa mga itinuturing ko ring mga naging mentor ko sa labas ng paaralan, at karangalan ko ang maging bahagi ng kaniyang mga pagsasaliksik. Sayang nga lamang at hindi niya natapos ang ginagawa niyang antolohiya tungkol sa “komiks,” at hanggang ngayon ay wala pang sapat na pag-aaral at pagpapatunay sa ilang mga sinasabing kathang iginuhit ni Rizal.
Isa pang natuklasan ko bilang katulong na mananaliksik ni Ginoong Roces ay ang tungkol sa babasahing Upa[n]g-Kalabaw na may pangalawang pamagat na Kastila na Semanario Satirico. Ang mala-diyaryong magasing ito na unang inilimbag noong 1907 ay naglalaman ng mga pagsasalarawang maituturing na komiks sa lantay na kahulugan. Ayon kay Ginoong Roces, ang titulo ng babasahin ay tumutukoy sa halaga ng opinyong publiko nang mga panahong iyon. Ang bayad-upa sa isang kalabaw sa loob ng isang araw ay 20 sentimos na siyang halaga ng sipi ng magasin nang ito’y unang lumabas sa sirkulasyon. Sa isang pagkakamali, di-umano, ang titulo ng magasin ay naging Lipa[n]g-Kalabaw. Ito ay bunga ng hindi pagkakaunawan ng may-ari at tagapatnugot na si Lope K. Santos (1879-1963) at ng dayuhang dibuhista. Ang hitsura kasi ng letrang “U” sa titulo ay nagmukhang “Li.” Kaya nang ilimbag ang talang patnugot, ang nailagay ay Lipag-Kalabaw, at ito na ang pinanatiling katawagan dito. Naglalaman ang babasahing ito ng mga karikatura at nakatatawang dibuho ng mga kilalang tao sa lipunan na iginuhit ni Jorge Pineda (1879-1946). May halong pulitika ang tema ng magasin at may bahaging maituturing na isang paglalarawang-komiks kung saan ang pagsasalaysay at pag-uusap ng mga karakter ay magkahalong Tagalog at Kastila.
Batay sa mga pagsasaliksik, ang pinakaunang tuluyang kuwentong komiks na nailathala ay ang Si Kiko at Si Angge na isinulat ni Iñigo Ed Regalado (1888-1976) at iginuhit ng pamosong pintor na si Fernando Amorsolo (1892-1972). Ito ay lumabas sa isang kakatuwang magasin na may pamagat na Telembang noong 1922. Ang pinakauna namang maituturing na babasahing komiks sa kabuuan ng nilalaman ay ang Halakhak na unang lumabas noong Nobyembre 15, 1946. Sinundan ito ng Pilipino Komiks noong Mayo 27, 1947.
Ang mga natuklasan ko sa pagsasaliksik ay lalong nagpaigting ng aking hilig sa komiks. Sinikap kong alamin ang buong kasaysayan ng komiks sa Pilipinas. Nakatulong ng malaki na ang pamantasang kinaruroonan ko noon ay mayroong malaking silid-aklatan, at ang pagsusulat ko sa Atlas Publishing na mayroong “bodega” ng laksa-laksang komiks.
Ang salitang “komiks” ay unang nakitang nakalimbag sa Mabuhay (Ang Aliwan ng Bayan) noong 1933, bagama’t hindi sa pamagat ng babasahin kundi sa isang sanaysay sa loob ng magasin. Bago pa lumitaw ang terminong “komiks,” ang tawag sa mga inilarawang kuwento ng mga manunulat at tagasubaybay ay “babasahing aliwan.”
Mula nang itatag ni Ramon Roces ang Liwayway noong Nobyembre 23, 1922, kung saan unang lumabas ang katha ni Severino Reyes (1861-1942) na Mga Kuwento ni Lola Basyang, ang mga babasahing aliwan ay kinagiliwan at sinubaybayan ng mga Pilipino at lumaganap sa buong kapuluan. Natuwa ako at namangha sa mga kakaibang kuwento na bukod sa puno ng sari-saring pakikipagsapalaran ay naglalaman din ng aral.
Sa Liwayway rin unang lumabas noong Enero 11, 1929, ang katha nina Romualdo Ramos at Antonio “Tony” Velasquez (1910-1997) na Kenkoy, isang nakatutuwang kuwento ng mga “kabalbalan” ng pangunahing tauhan na si Francisco “Kenkoy” Harabas. Mula sa palayaw ng karakter na ito naidagdag sa wikang Pilipino ang salitang “kengkoy” at “kakengkuyan” na tumutukoy sa katangian ng isang nakatatawang tao.
Sa kasaysayan ng komiks, ang Kenkoy ang itinuturing na may pinakamahabang serye o dugtungang-kuwento. Katunayan, nagpatuloy ang kuwento ni Kenkoy kahit matagal ng namayapa ang mga kumatha sa kaniya. Nagsimula ito bago pa isinilang ang aking ina, na siya niyang kinagiliwang basahin nang siya ay nagdadalaga. Kaya, marahil, tumatak sa isipan niya ang tawag na “kengkoy.” Lagi kong naririnig na kaniyang sinasabi ang mga salitang “para kang kengkoy” na ipinantutukoy niya sa mga taong nakatatawa kung umasta at gumalaw. Maging ako ay naging kawikaan din ito.
Ang Kenkoy rin ang tanging kuwentong-komiks na patuloy na nailimbag sa Pilipinas nang panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig at pananakop ng Hapon. Ang inabutan ko namang kuwentong Kenkoy ay noong Dekada 1970 na. Kasabay ng pamamayagpag ng banyagang serye sa telebisyon na Six Million Dollar Man at Bionic Woman ay lumabas naman ang Si Kenkoy at ang Kaniyang Bionic Kid sa magasing Modern Romances & True Confessions.
**ANG GURONG TUMULONG SA AKING MAGBASA**
Noong ako ay nagsisimula palang ng pagpasok sa paaralan, nagsisimulang matuto ng a-ba-ka-da, mayroon akong kung tawagin sa ingles na dyslexia. Hirap akong basahin ang mga nakikita kong salitang nakasulat. Hindi ko maipaliwanag kung bakit. Nasa Grade 2 na ako ay ganito pa rin ang aking kalagayan, tila utal at hirap na bigkasin ang mga nasusulat na salita.
Hanggang sa makita ko ang mga binabasang komiks ng aking ina. Nahilig siya sa pagbabasa nito bilang libangan. Ito kasi ang maituturing na pinakamurang libangan nang panahong iyon. Isa siyang Ilokana na natutong mag-Tagalog dahil sa pagbabasa ng komiks. Sinimulan ko ring gamitin ang bagay na ito upang mahasa ang aking mga dila sa pagbasa. Sa simula ay may kahirapan. Nakikita ko ang mga larawang nakaguhit at ang mga dayalogong nakasulat. Nauunawaan ko sa aking isipan ang daloy ng kuwento, subali’t hirap pa ring bigkasin ang mga salitang nakalimbag sa mga pahina.
Naaalaala kong may mga pagkakataong sumasabay ako sa pagbasa ng komiks ng aking ina. Sabay naming binabasa, binibigkas ang bawat salitang nasusulat. Bawat salitang naririnig ko kasabay ng pagbasa at pagtingin sa mga iginuhit na larawan ay tumatatak sa aking isipan. Sa tiyaga at pagsusumikap, nadaig ko ang aking “kahinaan” – ang dyslexia. Nang lumaon, ako na ang nagbabasa ng komiks para sa pakinig ng aking ina. Maging ang mga naipon niyang komiks sa mga baul bago pa man ako isinilang ay hinalughog kong lahat at binasa.
Ang pagbabasa ng komiks ay naging libangan ko na rin. Lagi at may pananabik kong hinihintay ang mga susunod na kabanata ng mga inilarawang kuwento. Ang halaga ng komiks noon ay nasa 30 hanggang 35 sentimos. Inaabangan ko ang pagdating ng naghahatid ng mga komiks sa kalapit na sari-sari store. Sa kaniya ako bumibili dahil may bawas na singko sentimos. Noong dekada 1960-1970, ang singko sentimos na katipiran ay malaking bagay na. Pagkatapos basahin ay naipaaarkila ko pa ito sa labas ng aming karinderiya.
Sinubaybayan ko ang mga natatanging kuwento at nobelang komiks ng mga batikang manunulat na sina Marcial “Mars” C. Ravelo (1916-1988), Clodualdo del Mundo (1911-1977), Pablo S. Gomez (1931-2010), Angel Ad. Santos, Rico Bello Omagap, Severino Reyes, Ramon R. Marcelino, at mga iginuhit nina Nestor P. Redondo (1928-1995), Francisco V. Coching (1919-1998), Alfredo P. Alcala (1925-2000), Tony Zuñiga (1932-2012), Jim M. Fernandez (1936-2022), Fred Carillo (1926-2005), Federico C. Javinal, Elpidio E. Torres (1925-1973), Nolasco “Noly” Panaligan (1924-2004), Tony Caravana, Jesse F. Santos, Petronillo “P. Z.” Marcelo, Mar T. Santana, atbp.
Humanga ako sa pakikipagsapalaran nina Buntala, Darna, Diwani, Captain Barbell, Tsandu, Phantomanok, Jikiriz, Palos, Ukala, Wamboo..... Naantig ang damdamin sa mga kuwentong Basahang Ginto, Mariposa, Prinsesa Gusgusin, Roberta, Torkwata, Wanted: Perfect Mother..... Humalakhak sa mga katatawanang inilahad ng Kenkoy, Gorio at Tekla, Buhay Pilipino, Rita Okay, Dr. Ispongklong, Tipin, Kalabog en Bosyo, Max en Jess, Tartan, Nognog....., at sanggabuntong mga iba pa.
Napakalaking bagay na dahil sa komiks ako’y natutong magbasa, naging matatas maging sa pagsulat, sa wikang Pilipino at Ingles. Datapuwa’t hindi lang ito ang naituro at naipamana sa akin ng komiks.
Ang unang nobelang-komiks na aking natunghayan sa abot ng aking natatandaan ay ang “Darna at ang Babaing Tuod” ni Mars Ravelo. Ito ay iginuhit ni Jim Fernandez at lumabas sa magasing Liwayway noong 1964-1965. Paborito itong subaybayan ng aking ina. Kaya nang gawin itong pelikula ay hindi niya pinalagpas ang pagkakataong mapanood ito, at labis ang kasiyahan ko nang ako’y isama niya. Ito ang unang pelikulang napanood ko. Isa pang paboritong nobelang-komiks na masigasig na sinubaybayan ng aking ina ay ang “Wanted: Perfect Mother” na si Ravelo rin ang may-akda at iginuhit ni Nestor Malgapo para sa Pilipino Komiks noong 1969-1970. Kasama rin ako nang panoorin ito ng aking ina at ng kaniyang mga kaibigan sa sinehan. Tuwang-tuwa ang aking ina kay Snooky na gumanap na bunsong anak ng bidang lalaki na ginampanan ni Dante Rivero at ang hinahanap na perfect mother ay ginampanan naman ni Boots Anson-Roa. Kung hindi ako nagkakamali, ito ang unang pelikula ni Snooky Serna na noo’y apat na taong gulang pa lamang.
Mula rito, daan-daang komiks na ang nagdaan sa aking mga kamay at mata. Ito ang nagturo sa akin na magkaroon ng malawak na imahinasyon, na panatilihing bukas ang isipan sa lahat ng bagay. Ito rin ang nagturo sa aking mangarap at pagsikapang abutin ang mga pangarap. Dahil din sa komiks, nagkaroon ako ng hilig sa pagsusulat, pagguguhit at pagsasaliksik tungkol sa iba’t-ibang larangan.
Kasama-sama ako ng aking ina sa pamamalengke. Nanghihinayang ako sa tuwing makakakita ng pinilas na pahina ng komiks at ginawang pambalot ng tuyo, daing at tinapa. Iniipon ko ang mga ito, pilit inaayos at pinagtutugma-tugma kung merong mabubuong kabanata. Kahit bitin sa kahihinatnan ng kuwento, matiyaga ko pa ring binabasa ang laman ng mga pinilas na pahina. Mula sa ilang yugto ng salaysay, kahit walang simula at walang pagpapatuloy, natuto ang aking imahinasyon na kumatha at gumawa ng sarili kong mga kuwento.
Ang pinakamatandang yugto ng komiks na aking nabasa ay nagmula sa isang ipinambalot ng daing na paboritong iulam ng aking tatay sa sinangag. Ito ay ang Sa Lilim ng Watawat na isinulat ni Artemio Marquez (1923-2001) at iginuhit ni Ben S. Maniclang. Lumipas pa ang mahigit 30 taon bago ko nalamang ang kuwentong ito ay mula sa unang isyu ng magasing Bulaklak (Hiyas ng Tahanan) na inilimbag noong Abril 14, 1943. Sayang at hindi ko naitago ang kapirasong komiks na iyon na maituturing ng isang mahalagang reliko ng kasaysayan ng panitikang Pilipino.
**ANG NAITULONG NG KOMIKS SA AKING PAG-AARAL AT BUHAY**
Tunay ngang maraming bahagi ng buhay ko ang may kaugnayan at utang na loob sa komiks.
Sa komiks, nakita ko ang maraming samu’t-saring larawan sa iba’t-ibang antas ng buhay: Sa nobelang-komiks na Dirty Politician... Sumpain Ka ni Ramon R. Marcelino, nagkaroon ako ng hinuha kung ano ang lalim at tayog ng daigdig ng pulitika; sa Gilda ni Pablo S. Gomez, isang babaeng tigmak sa kahirapan at pangbubusabos ang bumangon upang lumaban sa daigdig, naunawaan ko ang sirkulo ng tadhana; Sa Flash Bomba ni Mars Ravelo, isang lumpo na biniyayaan ng kakaibang kapangyarihan, na bagama’t may halong pantasya ang kuwento ay may dala ring aral at drama, naunawaan ko ang halaga ng pagpupunyagi; at napakaraming iba pa.
Nakatulong ng malaki ang komiks sa aking pag-aaral sa paaralan. Hindi lang ito humasa sa aking pananalita at pag-iisip, sa mga nabasa ko rito nakaipon ako ng kaalaman sa kasaysayan, agham, kultura at sining.
Minsang nagtanong ang aming guro noon sa elementarya kung “sino ang unang bayani ng Pilipinas?” Ang aralin namin noon ay tungkol sa mga bayani, subali’t hindi ito nabanggit sa gamit naming aklat. Karamihan sa sagot ng aking mga kamag-aaral ay Jose Rizal. Ang aking sagot ay Lapu-Lapu, na siyang tumpak. Una ko na itong nabasa sa mga lumang komiks na naitago ng aking ina, mula sa inilarawang nobela ni Francisco V. Coching na Lapu-Lapu sa Pilipino Komiks noong 1954.
Nang pinag-uusapan naman ang tungkol sa mga kulay ng watawat at pambansang sagisag ng Pilipinas, sa araling-aklat namin nasusulat na ito ay binubuo ng pula, puti, bughaw at dilaw. May mali raw rito sabi ng aming guro at itinanong niya kung meron sa aming nakaaalam kung ano. Nagtaas ako ng kamay at sinabing mali ang kulay dilaw at ang tamang kulay ay ginto. Tinanong ako ng guro kung paano ko itong nalaman. Sinabi kong nabasa ko sa lumang komiks. Natawa siya at umiling-iling. Ang komiks na iyon ay Tagalog Klasiks na may petsang Hunyo 12, 1952. Sa katotohanan, ang mga orihinal na kulay ng ating watawat ay pula, puti, bughaw at ginintuan. Ito ang mga kulay ng unang pambansang watawat ng Pilipinas na tinahi nina Marcela Agoncillo (1859-1946) at Delfina Herbosa (1879-1900) at unang iwinagayway matapos ang pagtatagumpay nina Heneral Emilio Aguinaldo sa Labanan sa Alapan, sa Imus, Cavite, noong Mayo 28, 1898. Ang pagtatala naman ng dilaw sa halip na kulay-ginto o ginintuan ay nakasanayan na lamang at nakaugalian hanggang sa kasalukuyan, marahil dahil ang pinagbatayan ay ang kumupas na unang pambansang watawat. Kung babasahin ang umiiral na Republic Act 8491, nasasaad dito na ang watawat ng Pilipinas ay may kulay pula, puti at bughaw, at nagtataglay ng araw na may walong sinag at tatlong bituin na “ginintuan” ang kulay.
Ang mga sinaunang komiks ay naglalaman ng mga dagdag-kaalaman, partikular na ang unang apat na komiks – Pilipino, Tagalog Klasiks, Hiwaga at Espesyal – na lumabas sa limbagan ng Atlas Publishing. May pagkamapanaliksik ako kahit noong ako’y bata pa. Isang halimbawa: Nabasa ko sa Espesyal Komiks na ang dalawang likidong chromic acid at alcohol kapag pinaghalo ay lumilikha ng apoy. Hindi ko pa alam noon kung ano ang chromic acid, at lumipas pa ang maraming taon bago ko napatunayan ang katotohanan ng aking nabasa. Nanatili iyon sa aking isipan hanggang sa magawa at maganap ko iyon sa isang eksperimento sa laboratoryo nang ako’y nasa high school na.
Mahilig akong mag-ipon ng mga tribiya at sari-saring impormasyon, katulad ng mga imbentor at imbensyon, na inililista ko sa isang makapal na notebook. Ito ay nakatulong ng malaki nang ako’y maging miyembro ng quiz team ng aming kolehiyo. Kung babalikan ang mga naitala kong impormasyon, unang-una ay ang imbentor ng zipper na si Whitcomb Judson (1846-1909), na nabasa ko rin sa Espesyal Komiks. Mahigit 20 taon ang nagdaan bago ko pa ito nabasa sa encyclopedia.
Kung ang aking ina ay natutong magsalita ng Tagalog dahil sa pagbabasa ng komiks, ako naman ay natutong magsalita ng Ilokano sa ganito ring paraan. Sa pagliliwat at pamamatnubay ng aking ina at tiyahin, binabasa ko ang mga komiks na nailimbag sa magasing Ilokano na Bannawag. Malaki naman ang naitulong ng pagbabasa ko ng Marvel, D.C. at Walt Disney comics para maging matatas din ako sa wikang Ingles.
Ang “Pitak ng Kagandahang Asal” ni Teny Henson na lumalabas noon sa Tagalog Klasiks – isang single page illustration sa komiks na naglalarawan ng paghahambing ng tama at mali sa pag-uugali, paggalaw at pakikisalamuha sa kapuwa tao – ang nagbigay sa akin ang mga iyon ng magandang panuntunan, bagama’t hindi sa lahat ng pagkakataon ay sinasang-ayunan ko ang nakalahad doon,
Maging ang ilang mga kuwento at kasaysayan sa Bibliya na siyang gabay ng aking pananampalataya ay natunghayan ko rin sa mga pahina ng komiks. Bagaman nang ako’y magsimula ng magbasa ng Bibliya, may ilang pagsasalarawan sa komiks akong napuna na sa aking pagsusuri ay may pagkakamali o pagkakaiba kung ihahambing sa pagkaunawa ng nilalaman ng Banal na Kasulatan, subali’t ito ay sanhi marahil ng kaniya-kaniyang pang-unawa o interpretasyon ng sumusulat ng kuwentong komiks, o dili kaya’y ng relihiyong kanilang kinabibilangan.
Nang ako’y nasa mataas na paaralan na, malaking bahagi rin ang ginampanan ng komiks sa aking pag-aaral. Una ko ng nabasa rito ang tungkol sa buhay, pagpupunyagi at pakikibaka ng mga bayani ng lahing Pilipino bago pa man talakayin sa silid-aralan. Mula sa mga panulat ni Manuel Franco, naisalarawan sa komiks na inilimbag ng National Bookstore ang kanilang talambuhay mula kapanganakan hanggang kabayanihan.
Ang dalawang nobela ni Rizal na Noli Me Tangere at El Filibusterismo, ang tulang-epika ni Francisco “Balagtas” Baltazar (1788-1862) na Florante at Laura, at ang mga piling akda at bantog na nobela ng ibang bansa, katulad ng Snow White and the Seven Dwarfs, Cinderella, The Hunchback of Notre-Dame, The Three Musketeers, Dr. Jekyll and Mr.Hyde, na karaniwang tinatalakay sa araling panitikan, ay natunghayan ko rin sa komiks. Dahil dito, naging madali sa akin ang gumawa ng talang-akda at buod ng mga naturang kuwento. Sa paghahambing ng nobelang naisulat sa aklat at ng inilarawan sa komiks, higit kong madaling maunawaan ang kabuuan ng kuwento at ang mga nilalaman nitong aral.
Nabusog din ang aking imahinasyon sa laksang mga alamat at sinaunang kuwentong-bayan na nabasa ko sa mga pahina ng Aksiyon, Aliwan, Atomik, Bituin, Bulaklak, Espesyal, Extra, Hiwaga, Luz-vi-minda, Mabuhay, Pantastik, Super Klasiks, Tagalog Klasiks, Universal, at iba pang komiks. Naaalaala ko na dahil sa mga nabasa ko sa komiks, kapag ako’y umuuwi sa aming lalawigan, marami akong naibabahaging mga kuwento sa aking mga nakababatang pinsan.
Isa pang maituturing na una ko ring natunghayan o natutunan sa komiks ay ang kaalamang seksuwal na maaaring ikataas ng kilay ng marami. Hindi ako ipokrito na ipagkakaila na ako’y nakabasa rin ng mga sinasabi nilang “bomba,” “porno,” o malalaswang komiks. Datapuwa’t sa aking panuntunan na natutuhan ko rin sa komiks – “Lahat ng bagay ay may buti kung tama ang pang-unawa.”
Walang biro kong sasabihin na sa loob pa ng paaralan ako unang nakabasa ng komiks na naglalaman ng mga kuwento at pagsasalarawang seksuwal. Dala ito ng isang kamag-aaral, at palihim naming binabasa kapag may pagkakataon. Inalam ko kung saan makabibili ng ganoong uri ng komiks. Sinabi niyang sa Kalye Ylaya, sa Divisoria, o dili kaya’y sa mga bangketa sa Avenida. Tama lang naman ang panahon at ako’y nasa Grade Six na noon. Sa akin ngang pakiwari ay kulang ang itinuturong mga kaalaman noon tungkol sa seksuwalidad sa mga aralin sa paaralan. Ang dagdag na kaalaman o kamuwangan ay natuklasan ko sa komiks.
Kung ako nga ay magbabalik-isip at magtatanong sa aking sarili, kung mayroon ba kayang bagay o kaalaman na hindi ko natunghayan, natuklasan o natutunan sa komiks? Ang sagot na laging kumikintal sa isip ko ay “wala yata!”
**BAHAGI SA LARANGAN NG KOMIKS**
Mula nga nang ako’y paslit pa lamang ang komiks ay laman na ng aming tahanan. Itinadhana siguro na kahit sa maliit na pag-ambag ay naging bahagi rin ako ng komiks. Nagsimula akong maging contributor sa Atlas Publishing noong 1979. Nahilig ako sa paggawa ng mga tula, trivia, crossword puzzles at quizzes na siya kong dinadala sa kanila upang ilabas sa mga magasing Sports Weekly, Special People at MOD Filpina. Pinagkukunan ko ito ng kaunting kitang pandagdag sa panggastos sa mga kailangan sa pamantasan. Nang lumaon nagkaroon ako ng pagkakataong magsulat din ng mga artikulo at nagkaroon pa ng mga columns sa MOD – ang Math-O’Logics at For the Record.
Naging popular sa mga mambabasa, lalo na sa mga estudyante, ang aking mga sinusulat. Inirikuminda pa ng Kagawaran ng Edukasyon ang aking Math-O’Logics para sa mga mag-aaral ng high-school. Sa MOD din ako unang nagwagi ng Science and Technology Journalism Award noong 1991, at dito pinagkalooban ako ng Atlas Publishing ng Lifetime Achievement Award.
Sa loob ng Atlas Publishing Compound din noon sa Roces Avenue ko unang nakilala ang aking hinahangaang manunulat sa komiks na si Ginoong Ravelo. Kung tama ang aking alaala, taong 1983 iyon, sa opisina ng Punong-Tagapatnugot ng Atlas na si Ginang Ernestina Evora-Sioco ko siya unang nakadaupang-palad.
Si Ginoong Ravelo at ang Atlas Komiks Editor noon na si Ginoong Antonio S. Tenorio ang mga nagturo sa aking gumawa ng mga kuwentong-komiks at magsulat ng scripts. Malikot daw ang isip ko kaya bagay ako sa komiks sabi ni Uncle Mars. Pilit niya akong inudyukang subukang magsulat sa komiks. Binansagan pa niya akong kaniyang “Protedyi” (protege), na isinulat pa niya sa likod ng xerox copy ng isang pahina ng kaniyang obrang Flash Bomba.
Sinubukan ko ngang magsulat ng komiks. Labing-apat na maiiksing kuwento ang naibigay ko sa Atlas at sampu rito ang nailimbag. Ang isa ay ako pa mismo ang gumuhit. Ilan sa mga natatandaan kong pamagat ng mga kuwentong-komiks na sinulat ko ay “Dalisay na Puso,” “Diwata sa Lawa” (Ang Patay na Lawa), “Estranghero,” “Hindi Ba Sapat ang Pag-ibig,” “Karma,” “Kapangyarihan vs. Tadhana,” “Laban sa Kalikasan,” “Lastikman vs. Hyperia,” “Lindol,” at “Si Darna, Captain Barbell, at ang Nuclear Waste.” Dalawa sa mga katha kong superhero na sina Dalumat at Luntian ay una ring naipakilala rito. Subalit dahil sa ako ay nagsusulat ng mga features articles sa MOD ay hindi ako pinayagang gamitin ang tunay kong pangalan sa larangan ng komiks. Ang ginamit kong pen name ay Uriel Arkanghel. Higit ding mas mababa ang bayad sa bawat pahina ng komiks scripts noon kaysa features articles kaya hindi ako gaanong nagtuon ng pansin dito. Nasa 35 hanggang 50 pesos lamang bawat pahina ang bayad sa komiks kumpara sa 100 hanggang 150 pesos sa pagsusulat ko sa MOD.
Kahit papaano ay may mga naitago akong ilang sipi ng mga ginawa kong komiks. Ang pinakahinahanap ko ay sipi ng ginawa kong single at two-episode na kuwento ng mga superhero ni Ginoong Ravelo na Lastikman, Darna at Captain Barbell. Nasira kasi ng baha ang mga kopya ko nito.
Napag-usapan din namin noon ni Uncle Mars na pagsamahin ang mga katha naming superheroes at tawagin ang grupong ito na Ligang Maharlika, na maihahalintulad sa X-Men at Avengers ng Marvels at Justice League ng DC Comics. Ang letrang “L” ay para sa apelyido kong Lawagan at ang “M” naman ay para sa palayaw ni Ginoong Ravelo na Mars. Sinabi ni Uncle Mars na ako na raw ang sumulat ng kuwento. Pumalaklak pa si Ginang Evora-Sioco nang marinig niya ito. Subali’t hindi ito nagkaroon ng katuparan. Namayapa si Uncle Mars noong September 1988, at ang lahat ay nanatiling pangarap na lamang.
Sa paglipas ng panahon, maraming mga iba’t-ibang komiks ang nagdaan sa aking mga kamay. Ang iba’y nasira ng baha at nawala dahil sa paglipat-lipat namin ng bahay. Ang iba’y naipagbili dahil sa tawag ng pangangailangan. Kung tutuusin, kung kumpleto pa ang mga komiks at magasin na naipon ng aking mga magulang at ang mga naipon ko rin, sa halaga ng mga iyon ngayon, baka milyonaryo na ako.
Salamat na lamang at hanggang ngayon ay may mga nalalabi pa akong mga lumang komiks na maituturing kong mga reliko na sa kasaysayan ng panitikan hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo. Ang iba’y naglalaman ng mga katha ng mga manunulat at dibuhista na itinuturing ng alamat sa larangan ng komiks at nailimbag bago pa man ako isinilang. Ito ay mga pisikal na alalala mula sa nakalipas, ng mga pamanang kuwento at kaalaman na sa tuwing muli kong babasahin ay nagbibigay sa akin ng kakaiba at nakagiginhawang pakiramdam. Pakiramdam na tila ba ang malayong nakaraan ay parang kahapon lamang. Kahapon na muling nagbabalik sa diwa na bumubusog sa aking isipan at nagpapangiti sa aking mga labi.
Ah.... Walang duda, hawak ang mga lumang komiks, kay sarap maglakbay pabalik ng panahon! o O o