Noong ang Pilipinas ay nasa ilalim pa ng pamamahala ng mga Kastila ay mayroong isang prayleng dominikano ang lubos na naging mayaman dahilan na rin sa matalinong pangangamkam ng mga lupain ng mga inosenteng indio. Tumaba ng husto ang prayleng ito at gayon na lamang ang inilaki ng kanyang tiyan kaya't siya'y palihim na tinutukso ng mga indiyo na "Prayle Botiok" gayung ang tunay na pangalan niya ay Gaspar. Lumipas ang mga ilang panahon ay nabahala na si Prayle Botiok sa patuloy na paglaki ng kanyang tiyan, at tuloy ay nagpanukala na kumunsulta sa mga dalubhasang duktor sa Maynila.
Kaya't isang araw ay sakay ng magarang karwahe at nagtuloy sa isang bahay pagamutan sa Maynila, na nagkataong ang pinunong duktor ay isang indio na nakapagtapos ng medisina.
"Ano po ba ang inyong dinaramdam, mahal kong padre" ani ng duktor na tunay na namangha sa labis na pintog ng tiyan ng prayle.
"Nais ko po sanan ipasuri an akin na tiyan at lubos yatang lumalaki at ako tuloy ay nahihirapang gampanan an akin mana tungkuling pangsimbahan"
"Ang mabuti po ay matistis natin upang malaman kung ano ang nasa loob niyang inyong tiyan"
"Kung siya pong makabubuti" ang sagot ng prayle.
Kaya't ipinasya na sa lalong madaling panahon ay kailangang operahin ang tiyan ng naturang prayle. Ang pagtitistis ay itinakda ng gabi ring iyon.
Kinagabihan ay handa na ang lahat at ang prayle ay ipinasok na sa silid-tistisan, at agad na pinatulog upang di maramdaman ang sakit ng pagbibiyak ng tiyan.
Samantala, habang ang prayle ay mahimbing na natutulog ay nangagtawanan ang mga duktor na gagawa ng pagtitistis at sinabing kapag nagising ang prayle ay sabihing isang sanggol na lalaki ang nakuha sa loob ng kanyang bundat na tiyan.
"Hahaha" ang sabi ng isang duktor "Subali't paano kung hanapin niya ang sanggol, ay saan baga tayo kukuha?"
"Mahina ka pala", ang sagot ng isa pang duktor "Hindi bat may isang sanggol na isinilang kanina at namatay ang ina, at walang ibang kamag-anak? Ang sanggol na iyan ang sasabihin nating nakuha sa loob ng kaniyang tiyan"
At sabay na nagtawanan ang dalawang duktor.
Kinabukasan, and prayle ay unti-unting nagmulat ng kaniyang mga mata, at ang unang sinipat ay ang kaniyang tiyan. Nakita niyang ito ay higit na maliit kaysa dati kaya't nahinuha na ang operasyon ay matagumpay na naidaos.
Totoong mahinang mahina pa ang prayle subalit ang una niyang nais malaman ay kung ano ang nakuha ng mga duktor sa kaniyang tiyan.
"Mahal na Prayle", ani ng duktor "ang inyo pong tiyan ay naglalaman ng sanggol na lalaki".
Halos mawalan muli ng ulirat ang prayle pagkaraang marinig ito, ikinusot ang mga mata at baka naman siya'y nananaginip lamang. Subalit sa darating ang isa pang duktor at dala dala ang sanggol na lalaki.
"Diyata't!?", ang pabulalas ng prayle, "Santisima!Napakalaking milagro nito at di ko akalain na ito'y maaaring maging totoo!"
Kaya't umuwi na nga ang prayle at napaniwalang tunay nga niyang anak ang sanggol na lalaki.
Mabilis na lumipas ang panahon, at ang sanggol na lalaki ay naging isang musmos, at pagkalipas pa ng ilang panahon ay naging bagong tao, at nagbinata.
Ang prayle ay totoong matanda na at naghihingalo na at malapit ng mamatay, kaya't sa huling sandali'y kinausap niya ang anak at sinabing ipinamamana niya ang lahat niyang lupain sa kanya.
"Subalit", ang malungkot na wika ng prayle "mayroon lamang akong isang bagay na ipagtatapat sa iyo. At sana'y huwag mong ikagagalit"
"Ano po iyon aking ama" ang sagot naman ng binata.
"Ako hindi ang iyon tunay na ama" ang naluluhang sagot ng prayle sa nagugulumihanang binata. "Nguni't kayo po ang kinilala kong ama sapul ng ako'y bata pa" ang tugon naman ng binata
"Ang totoo'y hindi mo talaga ako ama" ang sagot ng nag-aagaw buhay ng prayle, "ang iyong ama......... ay ang.......................sakristan..." at saka na lamang nalagutan ng hininga si Prayle Botiok.
2 comments:
Reno said...
hahahaha! orihinal na kwento mo ba ito, Dennis? Baka puwede kong isama sa Tabloid Komiks, lalagyan ko na lang ng spot illustration.
11:52 PM
Anonymous said...
is this synonymous to Graciano Lopez Jaena's FRAY BOTOD? i'm just wondering.
10:40 PM
Post a Comment